photo credit: www.google.com
Nov 26 Bakit naging itim ang berde?
Ni Jose Mico C. Tambalo
Matagal-tagal na panahon ko nang hinagilap ang sariwa at mahalimuyak na samyo ng hanging amihan na bumabagtas sa malawak at berdeng bukirin at sakahan. Noong kabataan ko'y hindi ganito kakumplikado ang lahat at kung saan na tumanda na ako't nangangailangan ng mapaglilibangan ay saka pa nagbago ang anyo ng daigdig. Ewan ko ba't naging ganito ito, sa natatandaan ko'y hindi naman ito yung dating buhay na kinagisnan ko.
Marahil ay nahihiwagaan kayo sa kung ano ang nais kong iparating. Para sa mga nakakaintindi ay isa itong pampagising ng natutulog na diwa at para naman sa mga hindi nakakaunawa ay isa itong talinhaga. Sa pag-inog ng mundong mapaglakbay ay siya ring patuloy na pagbabago ng anyo ng daigdig. Kaakibat nito'y dambuhalang kumunoy na unti-unting lumalamon sa boung sangkatauhan lalong lalo na sa ating kapaligiran.
Noong kabataan ko'y palagi kaming naghahabulan ng aking mga pinsan at kapatid sa berde't madawag na gulod at kung minsa'y nagkakarerahan kami papunta sa luntiang kakahuyan at namimitas ng mga sariwang bunga ng bayabas at dahon ng kaimito. Subalit dahil sa pagbabagong hatid ng modernong mundo ay nawalang bigla ang masasayang alaala ng aking kahapon. Bakit kamo? Wala na kasi ang gulod na dati'y punong-puno ng mga luntiang damo at pilapil na ngayo'y napalitan na ng magagarang gusali na nagbubuga ng makapal na usok at naghahasik ng polusyon sa boung nayon.
Wala na rin ang dati'y mala kristal sa linaw na lawa sapagkat natabunan na ng bundok ng basura buhat sa lungsod. Ni anino ng berdeng kakahuyan na dati'y naging tambayan namin ay nawala na rin dahil sa malawakang pananalanta ng ilegal na pagtotroso at pagmimina na kumalbo sa kagubatan. Ang dati'y luntiang paraiso na laging nagpapangiti sa akin ay naglahong bigla at napalitan ng mga pampribadong gusali at sabdibisyon.
Nakakalungkot isipin na ang mga bagay na naging bahagi na ng ating kahapon ay biglang mawawala dahil sa mapang-abusong katalinuhan ng ating kapwa. Dahil ba talaga ito sa modernong utak ng tao o baka naman dahil sa kasakiman? Sayang ang mundo. Sayang ang ang pagkakataong masilayan ang ganda at alindog ng mga berdeng kakahuyan. Sayang ang halimuyak ng mga ligaw na bulaklak at halaman. Sayang ang manilawnilaw na bunga ng bayabas at luntiang dahon ng kaimito. Sayang na sayang ang buhay!